[hr]
Paunang Salita
Ano ba ‘yang success na ‘yan, sinong nag-imbento niyan at bakit sobrang common pero hindi naman lahat nagkakaroon?

A 120-page book on how to be successful, very funny and entertaining accounts of real people and childhood stories that either made us broke or successful.
Ikaw ang bida sa librong ito. Kaya wag mo nang isipin kung sino ang nag-imbento ng success. Malamang pag sinabi ko, hindi mo rin kilala. Good news is, kaya mong mag-imbento ng para sa ‘yo.
Suspetsa ko, either binili mo ‘tong book na ‘to dahil may pambili ka (na first time mong ginawa sa buong buhay mo dahil sa sobrang pagtitipid), inagaw mo ‘to (sa classmate mo na mas may capacity to buy kesa sa ‘yo), hiniram mo ‘to (at wala ka nang balak isoli), napanalunan mo ‘to sa raffle (imbes na cake o stand fan) o pina-xerox mo ‘to (dahil sa hirap talaga ng buhay). Just the same, you’re holding a copy.
Sa loob ng walong taon kong pagsusulat ng libro at pagsubaybay sa mga taong nagbabasa nito, subok-subok lang talaga sa umpisa. Patikim-tikim kumbaga. Dito naman talaga nagsisimula—sa konti. Pansinin mo ‘yung mga horizontally challenged (ito ang itawag mo sa matataba para hindi sila ma-offend kapag tinatawag mo silang mataba), nagsimula ‘yan sa tikim e ginanahan kaya nagkaganyan. Same lang sa mga payat, nagsimula sa konting pag-skip ng meal kaya hayan konting dekorasyon na lang pwede na silang saranggola.
Pero ganun yata talaga. Walang kasiguraduhang matatapos ang sinimulan. Hindi ka rin naman kase talaga sigurado if magkakaroon ng sense sa buhay mo kung magsisimula ka at itutuloy mo ang ‘yong inumpisahan. No wonder, kaya hindi mo talaga binibigay ang 100% mo. Sigurista ka.
Madalas sinasabi mong baka masayang lang ang oras at effort mo. Hindi mo ibibigay lahat pero kung makapag-expect ka gusto mo naman 100% ang darating sa ‘yo. Wag kang mag-alala. Long before na mahawakan mo ang librong ito, hindi na mabilang ang oras na sinayang mo. Hindi ka pa ba sanay? O baka hindi ka lang talaga aware?
[hr]

Opo, tinagalog ko na para mas madaling maintindihan. Don’t worry dahil hindi rin ito seryoso. Ilang beses na nating sinubukang mag-seryoso, pero hindi pa rin nag-succeed. So, try natin ngitian ang lahat ng failure natin sa buhay at umpisahan ang paghahanap ng sa got sa tanong na, “Paano Maging Successful?”
Ito ang starting line natin. Dito tayo magsisimula para hindi tayo pagtawanan ng mga critics natin. Sa dami ng skeptics ngayon, mabuti na ang mag-umpisa nang tama para hindi tayo mapagtawanan at mapahiya. If may chance kang makasali sa isang fun run (yung mga fundraising daw saka for a cause na activity), subukan mong mag-start sa Finish Line para maiba naman. I’m sure makakakuha ka ng attention pero it will not change the fact na disqualified ka pa rin pagkatapos ng kumpetisyon. Masaya naman yun kase makakasalubong mo ag lahat ng kalahok. Kaway ka and say hi! O, ‘di ba ibang-iba ka? Kaya wag nagpapaniwala sa kasabihang “dare to be different” dahil pwede ka ring maging “differently wrong.”
Kung meron kang gustong ma-achieve sa buhay mo, you owe it to your self and you owe it to the people who will help you along the way.
Wag mong ipagkait sa sarili mo ang bagay na kaya mo namang makuha pero takot ka lang subukan dahil feeling mo nag-iisa ka at baka sa huli, papalpak ka rin lang.
Besides, pwedeng magkamali. Pwedeng pwede kang magkamali. Lahat naman tayo e nagkakamali. Kung paano ka lang magrerespond ang magsasabi ng susunod na mangyayari. Besides, kahit kaninong istorya ng world’s best ang basahin mo, malalaman mo na nagkamali at nagkakamali rin sila. Mas maganda ring magkamali minsan para mas makita mo kung ano ang tama. Kaya nga inimbento ang eraser e at sa computer may “delete” at saka yung madalas mong gamiting Ctrl+Z or “Undo”.
Sa buhay na ito, hindi mo kelangan ng perfecrt score. Kumbaga sa boxing, pagdating sa scorecard dapat mas lamang ka lang para panalo ka pa rin. In other words, dapat mas lamang ang successes mo kaysa sa failures. It’s always better to have more wins and fewer losses. ‘Yan dapat lagi ang target. Basta mag-relax ka lang at siguraduhin mong hindi ka magka-cutting class or maga-undertime dahil dito. Baka ako pa sisihin mo pag bumagsak ka sa exam mo o sesantehin ka ng boss mo.
Let’s do this. Kwentuhan kita tungkol sa pag-aaral, pangongopya at paggawa ng pera.
LLOYD LUNA
November 8, 2013
Makati City, Philippines
[hr]
PS. Siyanga pala. Hindi maipapangako ng librong ito ang tagumpay na hinahanap mo. Pero kung babasahin mo ito pwedeng lumaki ang chance mo. Hindi ko sasabihing magiging madali ang buhay mo ‘pag binasa mo ito. Pero hindi ko rin sasabihing imposibleng makuha mo ang mga pangarap mo. Hindi ko alam kung ilang beses ka nang pinaglaruan ng tadhana. Pero wag mong ipagkait sa sarili mo ang pagkakataong maniwala at muling magtiwala. Ikaw man ay meron ding kakayahang baguhin ang takbo ng iyong buhay. Pero kailangan mo ng mabigat na dahilan at pusong handang iwan ang kinagawian.