Ano ba ‘yang success na ‘yan, sinong nag-imbento niyan at bakit sobrang common pero hindi naman lahat nagkakaroon?
BAKIT maraming tanong? Walang pakialaman. Kanya-kanyang trip ‘yan! Salamat sa paghawak ng librong ito. Yung ma-convince kang bumili e success ang tawag dun kung hindi ka nabudol-budol. Nang ikaw ay mailabas mula sa sinapupunan ng iyong ina matapos ang more or less siyam na buwan, success din yun. Nanay at tatay mo (Your dad and your mom para sa mga kaibigan kong taga-La Salle at The Ateneo) ang nag-imbento ng success na yun (na inapprove naman ni Lord). Hindi lahat nagiging successful kase hindi nila talaga alam kung ano ang tunay na meaning ng “success.”
Ikaw ang bida sa librong ito. Kaya wag mo nang isipin kung sino ang nag-imbento ng success. Malamang pag sinabi ko, hindi mo rin kilala. Good news is, kaya mong mag-imbento ng para sa ‘yo.
Suspetsa ko, either binili mo ‘tong book na ‘to dahil may pambili ka (na first time mong ginawa sa buong buhay mo dahil sa sobrang pagtitipid), inagaw mo ‘to (sa classmate mo na mas may capacity to buy kesa sa ‘yo), hiniram mo ‘to (at wala ka nang balak isoli), napanalunan mo ‘to sa raffle (imbes na cake o stand fan) o pina-xerox mo ‘to (dahil sa hirap talaga ng buhay). Just the same, you’re holding a copy.
Sa loob ng walong taon kong pagsusulat ng libro at pagsubaybay sa mga taong nagbabasa nito, subok-subok lang talaga sa umpisa. Patikim-tikim kumbaga. Dito naman talaga nagsisimula—sa konti. Pansinin mo ‘yung mga horizontally challenged (ito ang itawag mo sa matataba para hindi sila ma-offend kapag tinatawag mo silang mataba), nagsimula ‘yan sa tikim e ginanahan kaya nagkaganyan. Same lang sa mga payat, nagsimula sa konting pag-skip ng meal kaya hayan konting dekorasyon na lang pwede na silang saranggola.
Pero ganun yata talaga. Walang kasiguraduhang matatapos ang sinimulan. Hindi ka rin naman kase talaga sigurado if magkakaroon ng sense sa buhay mo kung magsisimula ka at itutuloy mo ang ‘yong inumpisahan. No wonder, kaya hindi mo talaga binibigay ang 100% mo. Sigurista ka.
Madalas sinasabi mong baka masayang lang ang oras at effort mo. Hindi mo ibibigay lahat pero kung makapag-expect ka gusto mo naman 100% ang darating sa ‘yo. Wag kang mag-alala. Long before na mahawakan mo ang librong ito, hindi na mabilang ang oras na sinayang mo. Hindi ka pa ba sanay? O baka hindi ka lang talaga aware?
Pero pwedeng totoo yun at pwede ring hindi. Kung iisipin mo, mas maganda na rin yung safe than sorry. Pero hindi mo rin ba napansin na lahat ng taong naging successful ay nagbigay ng higit 100% ng kanilang atensyon, oras, puso at kakayahan?
‘Yan ang gusto kong ma-realize mo bago tayo pumalaot. (v. Pumunta sa mas malalim na bahagi ng dagat o “laot” mula sa dalampasigan). Pero wag kang literal na pumunta sa dagat. Pwede mo ‘tong basahin kahit nasa bahay ka lang o nasa classroom at naghihintay sa prof mo na wala namang planong pumasok (pero magpapa-exam next meeting).
Ang point is, kung babasahin mo ‘to, basahin mo nang buong puso. Ibigay mo ang lahat ng emosyon at pang-unawa na kelangan para magamit mo ang bagay na pinaghirapan mong makuha sa librong ito. Kumbaga, kung hindi rin lang bukal sa loob mo ang pagbabasa nito, e wag mo nang ituloy. Masasayang lang ang oras mo.
O, wag mo namang ibaba. Tampo kaagad? Hindi ka na mabiro. Ituloy mo pa rin ang pagbabasa. Sayang naman ang ipinila at ibinayad mo, di ba?
Very relaxing ang mga susunod na chapters. Matatawa ka at mapapaisip. Ako nga natawa habang sinusulat ko ito e. Pag-uusapan natin kung paano ba talaga maging tunay na successful. May walong bagay kase na feeling ko alam na alam na ng lahat pero may duda ako kung narinig o nabasa mo na. Para sa mga alam na ang mga ‘to, review na lang. Para sa first-timers, e di first time. Alangan naman i-review mo rin?
Sa mga susunod na pahina, malalaman mo rin kung successful ka na ba o hindi. Napakarami kaseng tao na successful na pero hindi pa nila alam. Kung hindi pa nasabi ng iba or nai-tsismis na successful na sya e, hindi pa niya malalaman.
Sasabihin ko rin sa inyo kung anu-ano ang batayan ng success at kanino nakadepende ang pagiging successful. Nung bata ka pa, alam mo kung ano ang success para sa ‘yo. Kahit anong sabihin ng mundo, ang pangako ay pangako, ang pangarap ay pangarap, ang saya ay saya. Kilala mo ang sarili mo, hinanap mo ang mahal mo at minahal mo ang meron ka, gumawa ka ng paraan at hindi nagdahilan, nagbigay ka nang buong-buo, ginawa mo ang lahat ng iyong makakaya at alam mong may plano ka.
Alam mo, ikaw pa rin naman yung dating bata na yun e. Kaya mo pa ring magmahal, magbigay, magpatawad at gumawa ng plano para sa sarili mo. Ikaw pa rin yung dating batang may pangarap at naghangad na magtagumpay. Hindi ka masamang tao. Pwedeng nagkamali ka lang. Pwedeng marami lang nakialam.
Sa bandang huli, pwede nating ma-realize na meron na tayong samut-saring successes na kelangan na lang i-organize at palakihin. Sa totoo lang, wala naman kaseng nag-umpisa sa finish line. Kahit ang pinaka-magaling na manlalaro sa Olympics ay nagsisimula lagi sa starting line.
Ito ang starting line natin. Dito tayo magsisimula para hindi tayo pagtawanan ng mga critics natin. Sa dami ng skeptics ngayon, mabuti na ang mag-umpisa nang tama para hindi tayo mapagtawanan at mapahiya. If may chance kang makasali sa isang fun run (yung mga fundraising daw saka for a cause na activity), subukan mong mag-start sa Finish Line para maiba naman. I’m sure makakakuha ka ng attention pero it will not change the fact na disqualified ka pa rin pagkatapos ng kumpetisyon. Masaya naman yun kase makakasalubong mo ang lahat ng kalahok. Kaway ka and say hi! O, ‘di ba ibang-iba ka? Kaya wag nagpapaniwala sa kasabihang “dare to be different” dahil pwede ka ring maging “differently wrong.”
Kung ito ang starting line natin, bago tayo tumakbo (wag literal na tatakbo habang nagbabasa ng libro dahil mahihilo ka, promise, wag mo nang subukan!), gusto kong malaman mo na hindi ka nag-iisa. May mga taong nasa tabi lang natin pero hindi natin nakikita. Hindi sila ligaw na kaluluwa kaya wag kang matakot. Wag ka na ring tumingin sa paligid mo ngayon dahil baka may makita ka nga. Ang kulit, sinabi nang wag maghanap e.
Ang ibig ko lang sabihin e kasama mo ako sa journey na ‘to. Kasama mo ang mga taong kagaya mo, gusto ring umasenso. Kasama mo ang mga taong naniniwala sa kakayahan mo. At kasama mo si God sa paglalakbay mo. May kasama ka at kung hindi mo pa sila nakikita, hahanapin natin sila.
Kung meron kang gustong ma-achieve sa buhay mo, you owe it to your self and you owe it to the people who will help you along the way. Wag mong ipagkait sa sarili mo ang bagay na kaya mo namang makuha pero takot ka lang subukan dahil feeling mo nag-iisa ka at baka sa huli, papalpak ka rin lang.
Besides, pwedeng magkamali. Pwedeng pwede kang magkamali. Lahat naman tayo e nagkakamali. Kung paano ka lang magrerespond ang magsasabi ng susunod na mangyayari. Besides, kahit kaninong istorya ng world’s best ang basahin mo, malalaman mo na nagkamali at nagkakamali rin sila. Mas maganda ring magkamali minsan para mas makita mo kung ano ang tama. Kaya nga inimbento ang eraser e at sa computer may “delete” at saka yung madalas mong gamiting Ctrl+Z or “Undo”.
Sa buhay na ito, hindi mo kelangan ng perfecrt score. Kumbaga sa boxing, pagdating sa scorecard dapat mas lamang ka lang para panalo ka pa rin. In other words, dapat mas lamang ang successes mo kaysa sa failures. It’s always better to have more wins and fewer losses. ‘Yan dapat lagi ang target.
O, baka matapos ko itong libro na puro intro. Basta mag-relax ka lang at siguraduhin mong hindi ka magka-cutting class or maga-undertime dahil dito. Baka ako pa sisihin mo pag bumagsak ka sa exam mo o sesantehin ka ng boss mo.
Let’s do this. Kwentuhan kita tungkol sa pag-aaral, pangongopya at paggawa ng pera.
LLOYD LUNA
November 8, 2013
Makati City, Philippines
You can buy your copy here.