Talumpati ni Board Member-elect Angelica Jones Alarva, 3rd District of Laguna, noong Turnonver and Thanks Giving Party sa Sta. Cruz, Laguna, Hunyo 16, 2010.
Minamahal kong mga kababayan, magandang hapon po sa inyong lahat.
Tayo po ay nagdesisyon na simula sa araw na ito, ang pagbabago ay magsisimula sa bawat pamilya ng lalawigang ito. Tayo po ay nagdesisyon na simula sa araw na ito, hindi na ang mga pulitiko ang bida kundi ang taong-bayan naman. Sa ating lahat na nanindigan, nagtiis, lumahok, at nagtiwala sa ating kakayahan magluklok ng mga tunay na lider, maraming maraming salamat po.
Sa aking pong pagtakbo, sa ikalawang pagkakataon, minabuti kong ibigay sa tao ang plataporma at vision ko para sa ating lalawigan, partikular sa ikatlong distrito. Kung inyo pong matatandaan, ako po ay tumakbo dahil ako po ay naniniwala na ang susi sa karamihan sa ating problema ay ang matatag na pamilya—isang bagay na sana nagkaroon ako.
Marami ang nagulat at nagtaka sa aking muling pagtakbo at marami rin ang nagsabing hindi tayo mananalo. Tingin ko po ay may mga taong sadyang nagkakamali. Ako po ay nandito ngayon sa inyong harapan at handa nang maglingkod.
Ang akin pong laban ay laban ng taong bayan—nina nanay at tatay na patuloy pa ring dumaraing sa sobrang hirap ng buhay habang ang iilan ay nakikinabang, nina ate at kuya na napapabayaan at nawawalan na ng pagasa sa buhay, nina lolo at lola na nagdarasal para sa kanilang mga apo. Ang akin pong laban, kung inyo pong matatandaan, ay hindi laban ng isang pulitiko, kundi ng isang anak na naniniwalang mayroon pa tayong magagawa at hindi pa huli ang lahat.
Sa akin pong kauna-unahang talumpati, sinabi ko ng hindi na ako ang artistang inyong hinangaan. Nang ako po ay magdesisyong tumakbo, naging isa na ako sa inyo—isang mamamayan ng naghahangad na magkaroon ng magandang pagbabago sa bayan. Hindi na po ako ang singer at entertainer na dati ninyong kilala. Nang ako po ay nagpasyang tumakbong muli, ako’y handa nang maglingkod.
Subalit hindi naging madali para sa akin ang laban ito. Tumakbo po ako nang wala sapat na salapi, walang sapat na makinarya, at walang sapat na pang-gasolina. Pero tumakbo rin po ako na may sapat na kaibigan at panalangin na kung ito pong posisyon na ito ay para sa akin, ito po ay para sa akin. Ang akin pong kampanya ay naging kampanya ng mga taong naniwala sa aking kakayahan bilang isang lider na hand nang maglingkod.
Ang akin pong posisyon ay posisyon na ginawa ninyo para sa akin at sa inyo magsisimula ang lahat ng dapat kong gawin sa kapitolyo. Kung ano ang saloobin ninyo, kung ano ang daing ninyo, kung ano ang kakailanganin ninyo, ito ang makakarating sa kapitolyo.
Sapagkat ako po ay walang pinagkakautangan kundi kayo—mga taong nanindigan para sa kanilang pangarap, mga taong may tunay na malasakit sa bayan.
Sa akin pong pagnanais na makapaglingkod nang maayos, minabuti ko pong ilista ang ilan sa aking mga gagawin para sa inyo:
- Una, gumawa ng regular na pulong-bayan kung saan tayo pwedeng mag-usap.
- Ikalawa, pagtubayin ang inyong Matatag na Pamilya Movement na tutulong sa akin upang ganap kong mai-representa ang inyong pamilya sa kapitolyo, magkaroon ng educational programs para sa inyo at sa inyong mga anak tulad ng Values Formation.
- Ikatlo, tulungan ang kapitolyong pagbutihin ang turismo sa ating lalawigan. Ma magandang turismo, mas maraming trabahao. Magagawa natin ito una, kung napapangalagaan natin ang kapaligiran at ikalawa kung alam natin ang tourism programs sa ating mga bayan.
Ito po ang tatlong priority ng aking tanggapan. Bagamat gagawin ko pa rin po ang ilang bagay na wala sa aking nabanggit, gusto ko lang pong maging malinaw na ito ang ipinangako ko noong ako ay tumatakbo, ito po ang sinasabi ko ngayon, at dito po ninyo ako sisingilin sa pagtatapos ng aking termino.
Ang okasyon po na ito ay okasyon din naman para pasamalatan natin ang mga lider na nagsilbi sa ating lalawigan. Palakpakan po natin sila. Siguro po ay ang ilan sa amin ay magpapaalam sandali subalit nakasisiguro po tayo na nandiyan pa rin sila para tumulong sa atin lalo’t higit po sa mga bagong halal na tulad ko.
Tayo po ngayon ay magsisimula at magsisimula nang tama. Sasabihin ang tama. Pakikinggan ang tama. Gagawin ang tama.
Ang akin pong tanggapan ay inyong tanggapan. Bagamat ito po ay bukas para sa publiko, hihilingin ko rin po in advance na ako po ay sadyang magiging abala sa pag-aayos ng mgaraming bagay para sa inyo. Sa lahat po ng mga taong hindi ko kaagad mabibigyan ng oras, paumanhin mo. Hindi po ito nangangahulugan ng pag-aabandona. Tulad po ng nabanggit ko, ako po ay seryoso sa trabahong ito at lahat ng aking gagawin from Day 1, ito naman po ay para sa ating lahat.
Bago po ako magtapos, meron po akong sasabihin sa inyo. Dahil po sa excitement ko sa trabahong ibinigay ninyo sa akin, ako po ay nagpasyang kumuha na ng further studies on governance and political science sana po ay sa University of the Philippines sa Diliman. Lahat po na matututunan naman natin dito ay gagamitin natin para sa ating pagganap bilang bokal.
Marami pa po akong mga bagay na gustong malaman at matutunan. At bukas po ang aking tanggapan sa mga payo at tagubulin ng ating mga magulangin. Ang akin pong pag-aaral ay preparasyon para sa mga programang kailangan ninyo.
Muli po, sa ngalan po ng Matatag na Pamilya Movement, ng aking pamilya, ng aking mga kaibigan sa personal at politikal na buhay, ng mga taong naging instrumental sa kampanyang ito, ng mga taong naniwala at nagtiwala, ng mga taong nakinig at nanindigan para sa akin, sa ngalan po ng bumubuo ng aking campaign team, isang taos-pusong pasasalamat po ang ibinibigay ko sa inyong lahat.
Simulan natin kunin muli ang para sa atin. Simulan natin buuin ang ating pamilya. Ako po ay handa nang maglingkod. Maraming salamat po at pagpalain tayo ng Maykapal.