(Speech delivered by Board Member Angelica Jones Alarva on Drug Awareness in the Province of Laguna in 2010)
Magandang gabi po sa inyong lahat. Isa pong karangalan sa akin ang makasama kayo ngayong gabing ito.
Naiintindihan ko po na sa pagtitipong ito ay may isang isyu tayong talakayin. Alam natin natin ang kahalagahan na masolusyunan ito at alam natin na may paraang maari nating gawin.
Sino po dito sa inyo ang nakasubok nang mag-drugs?
(Make some interactive discussion here. Let the crowd laugh and answer your question.)
Madalas po natin marinig kapag ang isang tao ay hyper na hyper at aktibong aktibo ang tanong na: Nakadroga ka ba? O, ano na naman ang tinira mo?
Sa mga barkadahan po, madalas natin ito maririnig. Sa panahon po ngayon ang salitang droga ay naging karaniwang salita na lamang. Ginagamit natin ang salitang droga o bawal na gamot na para bang ito’y ordinaryong isyu na lamang.
Kunsabagay, tama po tayo sa isang banda. Ang usapin sa droga ay usaping napakatagal na nating pinaguusapan subalit hindi natin makita ang solusyon. Kung titingnan natin ang isyu, parang dead end. Darating ang halalan, may tatayo at magsasabi susugpuin ang droga, may mga organisasyong bubuuin para sugpuin ang droga, may mga seminars at symposium na gagawin para maging aware ang mga tao tungkol dito.
Tama po ba yun?
Maluluklok sa posisyon at malilimutan ang naipangako nang nagdaang halalan.
Ngayon pong gabi, mayroon po akng isang layunin at sana ang mensaheng ito ay makatulong sa ating mas mataas na hangarin sa mga susunod na panahon. Uunahan ko na po kayo: Alam ko po na hindi magiging madali para sa atin pero nandito po ako para sabihin na mahirap subalit kayang masolusyunan ang problema sa ipinagbabawal na gamot.
Kung kayo po ang tatanungin, bakit kaya nagdodroga ang isang tao o ang isang kabataan?
(Make sure you ask at least three people to answer or until you’re able to hear the right answers below.)
Malamang dahil sa barkada. Tama po yan. Ano pa po? Dahil sa uso? Tama rin po. Dahil sa walang magawa sa pera? Pwede rin po. Dahil sa kulang ang attention na binibigay sa kanila? Tama rin po. Dahil walang pakialam ang mga magulang o kaya naman ay masyadong mahigpit ang mga magulang? Pwede rin po.
Ang mga sagot po natin ngayong gabi ang nagpapatunay na alam nating lahat ang problema at ang pagtitipong ito tungkol sa Drug Awareness ay hindi na bago sa atin. Tama po ba? Pero ano po ang bago na gusto ko ibahagi sa inyo?
Hindi po kaila sa inyo ang kwento ng buhay ko—walang ama na kinalakihan, hindi buo ang pamilya, maraming problemang dinaanan at hanggang ngayon ay dinaraanan. Alam po ninyo na ako’y artista at entertainer sa telebisyon at pelikula.
Ako po ay isa sa inyo—marahil ay kaya naririto ako sa inyo ngayong gabi. Nandito po ako bilang isa sa inyo—isang mamamayan ng Laguna na naghahangad ng pagbabago sa ating gobyerno para sa tao. Nandito po ako hindi para umarte or magsalita ng magagandang salita at papaniwalain kayo sa gusto kong sabihin.
Nandito po ako dahil tulad ninyo, naghahanap din ako ng solusyon.
Ang bawal na gamot po ay hindi problema. Uulitin ko po: Ang bawal na gamot ay hindi problema.Dahil kung ito ang problema natin, dapat matagal na natin nasolusyunan ito. Ano po ang problema.
Sa akin pong pagganap bilang lingkod ng bayan, nakita ko po na ang tunay na ugat ng problema sa droga ay ang pamilya. Sinubukan ko pong i-trace kung saan nagmumula ang problemang ito ay natuklasan ko na mahina po ang samahan ng mga pamilya natin kaya marami po ang nalululong sa masamang bisyo.
Pano ko po nasabi?
Ang isang matinong bata po ba ay magdodroga kung damang dama niya ang pagmamahal at pakalinga ng kanyang pamilya? Yung tipong damang dama niya ang suporta ng bawat miyembro sa kanyang pag-aaral halimbawa?
Ang isang mabait na bata po ba na mulat sa tama at mali at magdodroga? And isang bata po ba ay maghahanap ng ibang lugar para maramdaman nila yung importansiya nila kung sa bahay pa lang nila ay damang dama na niya na importanteng parte siya ng pamilya?
Ang katotohanan po ay ganito. Maraming nalululong sa ipinagbabawal na gamot dahil una at higit sa lahat, nagkaroon tayo ng pagkakamali na pagtibayin ang ating pamilya.
Kunsabagay sino minsan hindi mo rin masisisi. Dahil sa hirap ng buhay, ang mga magulang ay napipilitang lumabas ng bansa or magtrabaho nang higit sa walong oras para lang matutusan ang payak na pangangailangan ng pamilya. Kunsabagay sa hirap kumita ng pera nawawalan na tayo ng oras para magusap. Minsan hindi na natin kilala ang mga anak natin.
Subalit kung tayo po ay magiging mapanuri, ang solusyon po ay nasa ating mga kamay. Hindi natin kailangan labanan ang droga at hindi tayo mananalo sa labang ito hangga’t hindi natin binubuo at pinapatatag ang basic unit ng ating pamayanan. Ang droga ay walang isip, tama? Ang droga ay hindi nakakagalaw ng kusa, tama? Ang droga ay hindi nakakalakad at nakakarating sa bahay ninyo nang mag-isa, tama?
Ang katotohanan po ay ganito: Kung tayo po ay may isang masayang pamilya—hindi na baleng walang masyadong maraming mararangyang pag-aari—kahit ilang gramo pa ng droga ang dumating sa inyong tahanan, ni hindi ito hahawakan ng inyong mga anak.
Sigurado po ako rito.
Ngayong gabi, malinaw po ang mensahe ko. Una, ang problema sa droga ay may solusyon. Ikalawa, hindi tayo mananalo sa laban kontra droga kung puro lang tayo programa at porma. Ikatlo, walang sariling utak ang droga pero ang tao ay meron kakayahang magisip para tanggihan ito. Ikaapat, kahit ilang kilo ng droga ang ibigay sa atin kung wala tayong dahilan para magdroga hindi tayo madodroga. Ikalima, ang solusyon sa droga ay nasa matatag na pamilya.
Ako po ay naniniwala na ang bawat pamilya ay mahalagang hibla sa pagbuo ng ating lipunan. Ako po ay naniniwala na ang bawat pamilya ay susi sa pagunlad ng isang pamayanan. Ako po ay naniniwala na ang bawat pamilya ay may kakayahang ipanalo ang laban hindi lamang laban sa katiwalian kundi laban sa ipinagbabawal na gamot.
Tulungan po ninyo akong ipamahagi ang mensaheng ito. Tulungan po ninyo akong matupad ang akin pong pananaw para sa ating distrito. Magtulungan po tayo abutin ang isang pamayanang may matatag na pamilya.
Magandang gabi po at maraming salamat.